“Ang Kabataan sa
Harap ng Pag-usbong ng Teknolohiya
at Demoralisasyon
sa Mundo”
Kasabay ng di mapigil na modernisasyon ng
mundo ay ang lumalawak na kaisipan at pananaw ng mga tao, lalong-lalo na ng mga
kabataan, sa mga bagay-bagay. Mula sa pagiging simple ay natututo ang bawat isa
na maging radikal. Kung dati ay kuntento tayo sa pagiging tayo ngayon ay natututo
tayong maging mapaghanap. Kung dati ay ayos na tayo sa pasobre sobre ngayon ay
parang di tayo mabubuhay kapag wala tayong “cellphone”. Kung dati ayos na ang
radyo ngayon ay halos mamatay ang isang kabataan mabilan lang ng sarili niyang
“i-pod”. Sa totoo lang, ang mga bagay na ito ay hindi maiiwasan at hindi natin
maikakaila na mayroon itong mga dalang kabutihan. May mga ibang kabataang
ginagamit ang pagbabago ng panahon upang maging mabuti at maunlad ang kanilang
sarili, ngunit sa totoo lang, sa patuloy na pag-usbong ng teknolohiya hindi
natin maikakaila na may mga iba na imbes na nagbabago ay patuloy na nasasadlak
sa kasamaan at demoralisasyon. Ang tanong na naiiwan ay, “ano ba ang kabataan ngayon sa
mundo ng teknolohiya?”
Bilang isang batang guro, nakakalungkot
isipin na may ilang mga kabataang tila nakalimot na. Ang iba ni hindi na
magawang makinig sa kanilang mga magulang dahil masyadong abala sa ka-text. May
mga iba, di na yata alam ang salitang “po”
at “opo.”
Kung
minsan kahit na ang mga maliliit at mga simpleng bagay ay tila nakalimutan na
ng ilan. Nakakalungkot isipin na dahil sa pagbabago ng panahon ay naapektuhan
na nito ang mura at sariwang kaisipan ng ating kabataan. Masakit mang aminin
ngunit ang kabataan ngayon ay papunta sa tinatawag na demoralisasyon. Nasisira
ang kanilang mga murang pananaw dahil sa di maawat na impluwensya ng
teknolohiya at modernisasyon. Kung minsan nga, ang bata nakakalimot narin
magsabi ng “good morning teacher”, “goodbye teacher”, “thank
you Ma’am.” Ang paglimot ng
kabataan sa mga simpleng bagay na ito ay dala na rin ng kanilang mas lumalawak
na mga kaalaman sa mga bagay bagay ngunit mas kumikitid na pananaw sa kung ano
ang tama at sa kung ano ang mali. Kung minsan nga, naitatanong ko sa
aking sarili, “saan ba ako nagkamali sa
mga batang ito?” “ano pa ba ang dapat
kong gawin para maintindihan nila ang halaga ng buhay?” Pilit ko mang
halukayin sa aking isip ay di ko talaga mahagilap ang sagot, at sa huli ay
babagsak ako sa katotohanang, “iba na talaga
ang mundo ngayon.”
Alam ko sa aking sarili na hindi ko
maiiwasan ang pagbabago. Ika nga ng isang tanyag na pilosopo, “Ang
lahat ay nagbabago. Walang permanente sa mundong ito kundi ang pagbabago
mismo.” Ngunit naniniwala parin ako na bawat tao ay kayang magdesisyon
para sa kanyang sarili. Hindi man maiiwasan ang pagbabago ng panahon naniniwala
parin ako na ang kabataan ay may kakayahang maging magiting sa pagsasabuhay ng
kanyang pagiging tao. Harapin man ng ilang pagbabago, ang kabataan ay may
angking galing sa pagpapakabuti at pagsasaayos ng kanyang buhay. Dapat lang
maintindihan ng isang kabataan ang tunay na kahulugan ng katalinihan at
kagitingan---na ang katalinuhan ay di
lamang napupulot sa pagkakaroon ng matataas na grado sa eskwela ngunit higit sa
lahat ay sa kung paano niya isabuhay at isagawa ang kanyang mga natutunan sa
loob ng klase. Ang kagitingan ay nakikita sa matapang na pagdedesisyon
upang maging mabuti at mahusay. Maganda ang bawat pagbabago ngunit huwag sana
nating kakalimutan na ang lahat ng bagay ay may kaakibat na kapalit. Kaya ang
tanong, “Para saan ang pagbabago mo?, Tungo sa mabuti? O tungo sa patuloy na
pagkasadlak sa kasamaan o imoralidad?”
---Teacher Jun---