Miyerkules, Abril 23, 2014

“Ang Kabataan sa Harap ng Pag-usbong ng Teknolohiya
at Demoralisasyon sa Mundo”

Kasabay ng di mapigil na modernisasyon ng mundo ay ang lumalawak na kaisipan at pananaw ng mga tao, lalong-lalo na ng mga kabataan, sa mga bagay-bagay. Mula sa pagiging simple ay natututo ang bawat isa na maging radikal. Kung dati ay kuntento tayo sa pagiging tayo ngayon ay natututo tayong maging mapaghanap. Kung dati ay ayos na tayo sa pasobre sobre ngayon ay parang di tayo mabubuhay kapag wala tayong “cellphone”. Kung dati ayos na ang radyo ngayon ay halos mamatay ang isang kabataan mabilan lang ng sarili niyang “i-pod”. Sa totoo lang, ang mga bagay na ito ay hindi maiiwasan at hindi natin maikakaila na mayroon itong mga dalang kabutihan. May mga ibang kabataang ginagamit ang pagbabago ng panahon upang maging mabuti at maunlad ang kanilang sarili, ngunit sa totoo lang, sa patuloy na pag-usbong ng teknolohiya hindi natin maikakaila na may mga iba na imbes na nagbabago ay patuloy na nasasadlak sa kasamaan at demoralisasyon. Ang tanong na naiiwan ay, “ano ba ang kabataan ngayon sa mundo ng teknolohiya?”

Bilang isang batang guro, nakakalungkot isipin na may ilang mga kabataang tila nakalimot na. Ang iba ni hindi na magawang makinig sa kanilang mga magulang dahil masyadong abala sa ka-text. May mga iba, di na yata alam ang salitang “po” at “opo.”
Kung minsan kahit na ang mga maliliit at mga simpleng bagay ay tila nakalimutan na ng ilan. Nakakalungkot isipin na dahil sa pagbabago ng panahon ay naapektuhan na nito ang mura at sariwang kaisipan ng ating kabataan. Masakit mang aminin ngunit ang kabataan ngayon ay papunta sa tinatawag na demoralisasyon. Nasisira ang kanilang mga murang pananaw dahil sa di maawat na impluwensya ng teknolohiya at modernisasyon. Kung minsan nga, ang bata nakakalimot narin magsabi ng “good morning teacher”, “goodbye teacher”, “thank you Ma’am.” Ang paglimot ng kabataan sa mga simpleng bagay na ito ay dala na rin ng kanilang mas lumalawak na mga kaalaman sa mga bagay bagay ngunit mas kumikitid na pananaw sa kung ano ang tama at sa kung ano ang mali. Kung minsan nga, naitatanong ko sa aking sarili, “saan ba ako nagkamali sa mga batang ito?” “ano pa ba ang dapat kong gawin para maintindihan nila ang halaga ng buhay?” Pilit ko mang halukayin sa aking isip ay di ko talaga mahagilap ang sagot, at sa huli ay babagsak ako sa katotohanang, “iba na talaga ang mundo ngayon.”

        Alam ko sa aking sarili na hindi ko maiiwasan ang pagbabago. Ika nga ng isang tanyag na pilosopo, “Ang lahat ay nagbabago. Walang permanente sa mundong ito kundi ang pagbabago mismo.” Ngunit naniniwala parin ako na bawat tao ay kayang magdesisyon para sa kanyang sarili. Hindi man maiiwasan ang pagbabago ng panahon naniniwala parin ako na ang kabataan ay may kakayahang maging magiting sa pagsasabuhay ng kanyang pagiging tao. Harapin man ng ilang pagbabago, ang kabataan ay may angking galing sa pagpapakabuti at pagsasaayos ng kanyang buhay. Dapat lang maintindihan ng isang kabataan ang tunay na kahulugan ng katalinihan at kagitingan---na ang katalinuhan ay di lamang napupulot sa pagkakaroon ng matataas na grado sa eskwela ngunit higit sa lahat ay sa kung paano niya isabuhay at isagawa ang kanyang mga natutunan sa loob ng klase. Ang kagitingan ay nakikita sa matapang na pagdedesisyon upang maging mabuti at mahusay. Maganda ang bawat pagbabago ngunit huwag sana nating kakalimutan na ang lahat ng bagay ay may kaakibat na kapalit. Kaya ang tanong, “Para saan ang pagbabago mo?, Tungo sa mabuti? O tungo sa patuloy na pagkasadlak sa kasamaan o imoralidad?”


---Teacher Jun---

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento